Naglabas ng desisyon ang Korte Suprema na nagsasaad na ang paggamit ng ilegal na droga ng isang kawani ng gobyerno ay hindi dapat agad na pagmulan ng kanyang agarang pagtanggal sa serbisyo, sapagkat ito ay maituturing bilang isang uri ng sakit na nangangailangan ng rehabilitasyon, hindi lamang parusa.
Sa desisyong inilabas kamakailan, binigyang-diin ng Kataas-taasang Hukuman na ang drug dependency ay isang medikal na kondisyon at dapat lapatan ng kaukulang lunas at hindi basta-basta ituring bilang batayan sa pagtanggal ng isang empleyado sa kanyang tungkulin. Ayon sa Korte Suprema, ang isang manggagawang nahumaling sa droga ay may karapatang mabigyan ng pagkakataong makapagbagong-buhay sa pamamagitan ng rehabilitasyon, lalo na kung ito ay kusang-loob na aamin at hihingi ng tulong.
Iginiit ng Hukuman na dapat mayroong malinaw na due process o makatarungang proseso sa lahat ng disiplina sa ilalim ng serbisyo sibil. Hindi raw sapat ang positibong drug test upang awtomatikong sibakin ang isang empleyado, lalo na kung ito ay hindi sangkot sa drug trafficking o pagbebenta ng ilegal na droga.
Gayunman, nilinaw rin ng Korte Suprema na hindi nito kinukunsinti ang paggamit ng ipinagbabawal na gamot sa loob ng gobyerno. Sa halip, ito ay isang paalala na ang pamahalaan, bilang tagapagpatupad ng batas at tagapagtaguyod ng karapatang pantao, ay dapat ding magpakita ng malasakit sa mga empleyadong nangangailangan ng tulong para makabangon mula sa kanilang pagkakasala o kahinaan.
Ang desisyong ito ay umaani ngayon ng iba’t ibang reaksyon mula sa publiko—may mga sumasang-ayon na ito ay makatao at nagbibigay ng pag-asa, habang may ilan ding naniniwalang dapat pa ring pairalin ang istriktong disiplina sa hanay ng mga lingkod-bayan.
0 Comments