JAKARTA, Indonesia — Pumutok ang isang bulkan sa silangang bahagi ng Indonesia noong Martes, ayon sa mga awtoridad, matapos itaas ang alert level nito sa pinakamataas na antas sa apat na baitang.
Ang Mount Lewotobi Laki-Laki, isang 1,584-metrong bulkan na may kambal na tuktok sa isla ng Flores, ay sumabog dakong 5:35 ng hapon (local time), ayon sa volcanology agency.
"Aabot sa humigit-kumulang 10,000 metro ang taas ng ibinugang abo. Makapal at kulay-abo ang haliging abo na nakita," ayon sa ulat matapos itaas ang alert level.
Wala pang ulat ng pinsala o nasawi.
Ayon kay Muhammad Wafid, pinuno ng geology agency, ipinagbabawal muna ang anumang aktibidad sa loob ng pitong kilometro mula sa bunganga ng bulkan.
Nagbabala rin siya sa posibleng pagdaloy ng lahar — halo ng putik at iba pang materyal mula sa bulkan — lalo na kung umuulan, at pinaalalahanan ang mga residente na magsuot ng face mask laban sa abo.
Noong Nobyembre, ilang ulit na sumabog ang parehong bulkan na nagresulta sa siyam na nasawi, libu-libong lumikas, at pagkansela ng maraming international flights patungong Bali.
Wala pang ulat ng nakanselang biyahe sa himpapawid ngayong Martes.
Ang Laki-Laki, na ang ibig sabihin ay "lalaki" sa wikang Indonesian, ay katambal ng mas mataas ngunit mas kalmadong bulkan na tinatawag na Perempuan, mula sa salitang "babae".
Ang Indonesia ay nasa Pacific “Ring of Fire,” kaya’t madalas itong makaranas ng lindol at pagputok ng bulkan.
0 Comments