70-Anyos Na Lalaking Nawala, Natagpuang Buto Na Lamang Sa Sarangani
Bungo at mga buto na lamang ang natagpuan ng mga awtoridad ng isang 70-anyos na lalaki na mahigit isang buwang nawawala sa isang taniman ng tubo sa Sitio Dumalig, Barangay Upper Mainit, Malungon, Sarangani Province, bandang alas-8 ng umaga nitong Oktubre 22, 2025.
Kinilala ang biktima bilang si Mario Braquel, 70-anyos, residente ng Sitio Malinaw, Barangay Lower Mainit, Malungon, na huling nakitang buhay noong Setyembre 4 habang nakikipag-inuman umano sa isang lalaki na kilala sa alyas na Gidor sa isang tindahan sa Sitio Dumalig.
Ayon sa asawa ng biktima na si Irene, 61-anyos, agad siyang humingi ng tulong sa Malungon Municipal Police Station matapos ang higit isang buwang pagkawala ng kanyang asawa.
Pinangunahan ni Police Lt. Col. Giovanni Ladeo, hepe ng Malungon MPS, ang operasyon kasama ang Intelligence Community, Barangay Information Networking (BIN), at mga barangay tanod sa karatig na lugar upang hanapin ang biktima.
Matapos ang masusing paghahanap, natunton ng mga awtoridad ang lugar sa loob ng taniman ng tubo kung saan pinaghihinalaang inilibing ang biktima. Agad silang humiling ng tulong mula sa SOCO ng Provincial Forensic Unit upang siyasatin ang lugar.
Bandang ala-1 ng hapon, nang simulan ang paghuhukay, natagpuan ang mga buto ng biktima. Kumpirmadong siya nga ito matapos makilala ng asawa sa pamamagitan ng mga damit at susi na karaniwang dala ng biktima.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya, ngunit ayon kay Police Lt. Col. Ladeo, mayroon na silang pinaghihinalaang suspek sa krimen.






Comments
Post a Comment