Handa Sa Birthday Para Kay Bunso, Hindi Na Naka-Uwi Matapos Madisgrasya



Patay ang mag-ama matapos mabangga ng isang truck na may kargang mga pinya sa Purok Crossing Kahoy, Barangay Lamcaliaf, Polomolok, South Cotabato bandang alas-4 ng hapon nitong Miyerkules, October 22, 2025.

Kinilala ang mga biktima bilang sina Michael Calaya, 38-anyos, at ang kanyang anak na si Buknoy, 15-anyos, habang nasugatan naman ang asawa na si Neneng Ontic. Pawang mga residente sila ng Sitio Lemblisong, Barangay Kablon, Tupi, South Cotabato.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, pauwi na umano ang pamilya matapos bumili ng cake at tinapay bilang handa para sa kaarawan ng kanilang bunsong anak.

Ayon sa mga saksi, kasalubong ng pamilya ang isang truck na may kargang mga pinya na pag-aari umano ng Dolefil. Posible umanong nawalan ng preno ang sasakyan habang pababa sa kalsada.

Sinubukan pa umanong lumihis sa gilid ng daan ang pamilya na sakay ng motorsiklo, ngunit diretso pa rin silang nabangga ng truck.

Naisugod pa sa pagamutan ang mag-ama, ngunit idinineklarang dead on arrival ng mga doktor.

Sa ngayon, nasa kustodiya ng Polomolok Municipal Police Station ang driver ng truck para sa tamang disposisyon at imbestigasyon.

Comments