Matapos alisin ng Korte Suprema ang temporary restraining order (TRO) laban sa no contact apprehension policy (NCAP), binigyang-diin ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Atty. Romando “Don” Artes ang mahalagang papel ng nasabing polisiya sa pagpapabuti ng trapiko sa Kalakhang Maynila—lalo na sa nalalapit na rehabilitasyon ng EDSA.
Sa isang panayam sa programang Dos Por Dos noong Miyerkules, Mayo 21, ipinaliwanag ni Artes na ang pisikal na paghuli sa mga lumalabag sa batas-trapiko, partikular sa EDSA, ay maaaring lalong magdulot ng pagsisikip sa kalsada. Aniya, ang pagtigil ng mga sasakyan, pag-isyu ng tiket, at ang mga hindi maiiwasang pagtatalo sa pagitan ng motorista at enforcer ay nagiging sanhi ng pagkaantala sa daloy ng trapiko.
“Imagine niyo, paparahin yan, minsan may pagtatalo, iisyuhan ng ticket. Minsan, alam naman po natin may mga instances na may magbabribe o suhol… so nakakabagal po ‘yun,” paliwanag ni Artes.
Dagdag pa niya, sa pamamagitan ng NCAP, hindi na kailangang pisikal na hulihin ang mga motorista. Gagamitin na lamang ang mga CCTV camera upang matukoy ang mga paglabag, kaya’t hindi na kailangang ihinto ang mga sasakyan sa gitna ng kalsada.
Mga Repormang Inilunsad
Tiniyak din ni Artes na tinugunan na ng MMDA ang mga isyung inihain ng mga petisyuner sa Korte Suprema, kabilang ang pagpapataw ng mga istandardisadong multa para sa 20 karaniwang paglabag sa trapiko. Layunin umano ng mga repormang ito na maiwasan ang sobra-sobrang multa at masiguro ang patas na pagpapatupad ng polisiya.
“Yes, standard na po sa 20 common violations,” kumpirmasyon ni Artes.
Pinaliwanag pa niya na hindi lamang sa EDSA ipatutupad ang NCAP kundi sa iba pang pangunahing kalsada tulad ng C-5, Commonwealth Avenue, Ortigas Avenue, Roxas Boulevard, at lahat ng Mabuhay Lanes na sakop ng MMDA.
Pakikipag-ugnayan sa LTO
Ibinahagi rin ng MMDA chairman na nakikipag-ugnayan na sila sa Land Transportation Office (LTO) upang matiyak na tama at napapanahon ang mga rekord ng rehistrasyon ng sasakyan. Aniya, hindi mapapalitan ang rehistro ng mga sasakyang may hindi pa nababayarang paglabag.
“Meron po tayong agreement with LTO… Kung may mga violations po ‘yung sasakyan, hindi niya po marerenew ang registration,” ani Artes. “Pinag-uusapan po rin namin ang stricter penalties — kung expired po ‘yung rehistro, pwede pong automatic na i-impound ang sasakyan.”
Kasabay nito, isinusulong rin ng MMDA ang pagkakaroon ng mas mabilis na sistema ng abiso para sa mga paglabag, gaya ng pagpapadala ng text alerts sa mga may-ari ng sasakyan—tulad ng ipinatutupad na sa ibang bansa.
Epekto ng NCAP sa Paglabag sa Trapiko
Binigyang-diin ni Artes ang bisa ng NCAP base sa datos ng MMDA. Aniya, noong una itong ipinatupad, bumaba ang bilang ng mga paglabag mula sa halos 40,000 bawat buwan sa mas mababa sa 10,000.
"Malinaw na nakatutulong ito sa disiplina ng motorista. Hindi natin kailangan ng maraming enforcer sa kalsada kung disiplinado ang lahat," dagdag pa niya.
Pormal na ipatutupad muli ang NCAP sa Lunes, Mayo 26, 2025.
Rehabilitasyon ng EDSA
Kasunod ng pagbawi sa TRO, inanunsyo rin ni Artes na magsisimula na ang rehabilitasyon ng EDSA sa hatinggabi ng Hunyo 13. Ang proyekto ay isasagawa upang mapabuti ang kondisyon ng isa sa mga pinakaabalang lansangan sa bansa.
Ipinaliwanag ni Artes na ilalatag ang buong detalye ng proyekto sa isang press briefing sa Lunes, Mayo 26, 2025, sa ganap na alas-9:00 ng umaga. Sa nasabing pagpupulong, tatalakayin ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manny Bonoan ang teknikal na detalye ng konstruksyon, habang ilalahad ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon ang mga plano para sa alternatibong transportasyon. Si Artes naman ang magpapaliwanag ng mga traffic management measures upang mabawasan ang abala sa mga motorista.
Para rin sa Kaligtasan
Bukod sa trapiko, binigyang-diin din ni Artes na ang NCAP at ang malawak na CCTV network ng MMDA ay ginagamit din sa pagpapanatili ng seguridad at kaayusan sa lungsod. Aniya, regular silang nakikipagtulungan sa mga law enforcement agencies para sa monitoring at crime prevention.
"Tayo po ay may coordination sa mga law enforcement agencies. Minsan humihingi po sila ng CCTV footage, lalo na kung may krimen o malalaking pagtitipon tulad ng Traslacion o mga rally," sabi ni Artes.
Dagdag pa niya, mayroon na rin silang 100 body-worn cameras na kayang mag-transmit ng live video at audio sa kanilang command center.
"Ganun po tayo ka-hightech," ani Artes, na may kumpiyansa sa kakayahan ng MMDA na gumamit ng teknolohiya upang mapabuti ang serbisyo sa publiko.
0 Comments