Nagpataw ng mga parusa si US President Donald Trump laban sa apat na hukom ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng mga kasong isinampa laban sa mga kaalyado ng Estados Unidos, partikular na sa Punong Ministro ng Israel na si Benjamin Netanyahu, at sa mga imbestigasyon kaugnay ng umano’y war crimes ng US.
Ang mga hakbang ay kasunod ng paglalabas ng warrant of arrest ng ICC laban kay PM Netanyahu at dating Israeli Defense Minister Yoav Gallant. Nakita ng korte ang "makatwirang batayan" para sa kanilang pananagutan sa mga krimeng pandigma, kabilang na ang paggamit ng “pagkagutom” bilang paraan ng pakikidigma sa Gaza matapos ang biglaang pag-atake ng Hamas noong Oktubre 7, 2023.
Kabilang sa mga pinatawan ng parusa ay sina Beti Hohler ng Slovenia at Reine Alapini-Gansou ng Benin, na lumahok sa mga proseso na nauwi sa paglalabas ng warrant of arrest laban kay Netanyahu noong Nobyembre 2024.
Si Alapini-Gansou ay isa rin sa mga hukom na humawak ng kasong "crimes against humanity" laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte. Dati nang hiniling ng depensa ni Duterte na siya ay madiskwalipika sa kaso.
Samantala, pinatawan din ng parusa sina Luz del Carmen Ibáñez Carranza mula Peru at Solomy Balungi Bossa ng Uganda, na kasangkot sa mga proseso ng ICC kaugnay ng mga alegasyon ng war crimes ng Estados Unidos sa panahon ng giyera sa Afghanistan.
0 Comments