Ticker

6/recent/ticker-posts

Batang Lalaki, Nalunod sa Sapa Matapos ang Malakas na Ulan sa Cebu



Patay ang isang 3-anyos na batang lalaki matapos tangayin ng agos sa sapa sa Sitio Ilag, Barangay Cambang-ug, Toledo City noong Hunyo 7, 2025.

Kinilala ang biktima na si Ryle Laspoña, residente ng Sitio Biswang sa parehong barangay. Ayon sa ulat ng pulisya, nakatanggap sila ng impormasyon na may batang nalunod sa nasabing lugar.

Sa inisyal na imbestigasyon, bandang alas-8:00 ng umaga noong araw na iyon, naiwan umano ang bata sa loob ng kanilang bahay habang abala sa paglalaba ang kanyang ina. Pagsapit ng alas-9:00 ng umaga, matapos maglaba, hindi na niya nakita ang kanyang anak kaya agad niya itong hinanap.

Dakong alas-11:00 ng umaga, napansin ng ina ang isang post sa social media tungkol sa batang nalunod at natagpuan sa sapa, 500 metro ang layo mula sa kanilang tahanan. Agad nilang isinugod ang bata sa Toledo City General Hospital, ngunit idineklara itong dead on arrival.

Napag-alamang bumuhos ang malakas na ulan sa lalawigan ng Cebu noong gabi ng Hunyo 6, 2025, na naging sanhi ng pag-apaw ng mga daluyan ng tubig at nagdulot ng pagbaha sa ilang lugar.

Patuloy ang paalala ng PAGASA Visayas sa publiko na maging mapagmatyag at sundin ang lahat ng abiso mula sa Municipal at Local Disaster Risk Reduction and Management Offices upang makaiwas sa aksidente.

Post a Comment

0 Comments