Binatikos ng Board of Trustees ng Philippine Political Science Association (PPSA) ang Senado, partikular ang liderato ni Senate President Chiz Escudero, kaugnay ng pagkaantala ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa inilabas na pahayag ng PPSA, mariin nilang iginiit na matagal nang dapat isinagawa ang nasabing impeachment na halos apat na buwan nang naka-pending sa Senado.
“Matagal nang nararapat gawin ang obligasyong ito, ngunit sa kabila ng panahon ay wala pa ring aksyon. Ang kawalan ng pagkilos ay nagdudulot ng seryosong pag-aalinlangan sa pagiging bukas at integridad ng mga institusyon,” saad ng PPSA.
Binatikos din ng grupo ang mabagal na galaw ng Senado na, anila, ay nagpapakita ng malaking pagkukulang sa paglilingkod sa taumbayan.
“Ang pagkabigong agarang kumilos ng Senado ay isang mabigat na kasalanan sa sambayanang Pilipino na umaasang ang kanilang mga pinuno ay magsisilbi para sa kapakanan ng nakararami, at hindi para sa makitid na interes ng pulitika,” dagdag pa nila.
Ipinahayag din ng PPSA ang kanilang pagkadismaya sa umano’y kawalan ng Senado ng paninindigang kumilos bilang isang tunay na malayang institusyon ng pamahalaan.
“Ang isang independiyenteng Senado ay dapat na hindi nagpapadikta sa pulitika at naninindigan para sa prinsipyo ng demokrasya at kapakanan ng mamamayan. Ngunit ang ating nasasaksihan sa ngayon ay kabaligtaran—isang institusyong tila paralisado at kompromiso,” ayon pa sa kanila.
Kaugnay nito, ilang unibersidad na rin ang nagpahayag ng panawagan sa Senado na agad nang simulan ang impeachment trial ni VP Sara, kasunod ng mga ulat na maaari itong tuluyang maibasura bago pa man makatawid sa ika-20 Kongreso.
0 Comments