Castro kay Manuel na parang si Cherie Gil: "Huwag kang magpaka-kalunos-lunos na peke, pilit ginagaya ang hindi mo naman kayang pantayan!
Naglabas ng pahayag si Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Officer Claire Castro bilang tugon sa mga naging komento ni Kabataan Party-list Representative Raoul Manuel kaugnay ng usapin sa impeachment trial ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte.
Nauna nang nagpahayag si Rep. Manuel na tila may panghihimasok umano si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagkaantala ng pagbasa ng articles of impeachment sa Senado.
Sa isinagawang press briefing sa Malacañang nitong Miyerkules, Hunyo 4, iginiit ni Usec. Castro na iginagalang nila ang karapatan ng mambabatas na maghayag ng kanyang saloobin, subalit hinimok din niya itong magpakita ng kaparehong paggalang sa Pangulo.
“May respeto kami kay Representative Raoul Manuel, at inaasahan naming maibibigay din niya ang parehong respeto sa Pangulo, sa pamamagitan ng hindi paglalabas ng mga intrigang tulad nito. Isa po itong intriga — at batid naman natin kung sino ang bihasa sa paggawa ng intriga at sa pagplanta ng ebidensya. Nawa’y huwag na niya itong tularan,” pahayag ni Castro.
Dagdag pa niya, na may paghahalintulad sa isang tanyag na eksena sa pelikula: “Kung ihahalintulad sa pelikula, kokopyahin ngunit babaguhin ng kaunti — huwag kang maging ‘second rate, trying hard, copycat.’”
Ang nasabing pahayag ay hango sa sikat na linya ni Cherie Gil mula sa klasikong pelikulang Bituing Walang Ningning, kung saan gumanap siya bilang kontrabida sa karakter ni Sharon Cuneta.
Samantala, wala pang opisyal na tugon o pahayag mula kay Rep. Manuel hinggil sa mga sinabi ni Castro.
0 Comments