Ticker

6/recent/ticker-posts

Impeachment Trial ni VP Sara, Tuloy na sa Hunyo 11



Iginiit ng dalawang senador na matutuloy ang pagsisimula ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte sa darating na Hunyo 11, 2025.

Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, walang ibang opsyon ang Senado kundi ituloy ang nakaambang impeachment trial.

“Wala namang choice ang Senado. Hindi ito personal na desisyon ng mga senador, kundi isang konstitusyonal na tungkulin,” pahayag ni Gatchalian sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Linggo, Hunyo 8.

Aniya, malinaw na nakasaad sa Konstitusyon na ang Senado ang magsisilbing impeachment court kapag naipasa na sa kanila ang Articles of Impeachment. “Walang puwang para sa pagdadalawang-isip. Kailangang sundin ang Konstitusyon. Nakasaad doon na dapat mag-convene ang impeachment court kapag natanggap na ng Senado ang Articles of Impeachment,” dagdag pa niya.

Sa hiwalay na panayam sa parehong istasyon, binigyang-diin din ni Senador Francis Tolentino na ang pormal na pagbasa ng Articles of Impeachment ay tanda ng pagsisimula ng paglilitis.

“Dapat talagang mag-convene ang Senado para tanggapin ang Articles of Impeachment. Ang pagko-convene mismo ay bahagi na ng paglilitis; doon ito nagsisimula kapag nanumpa na,” paliwanag ni Tolentino.

Kapwa rin inamin ng dalawang senador na posibleng masira ang reputasyon ng Senado kung mabibigo itong simulan ang impeachment proceedings na halos apat na buwan nang natengga sa institusyon.

“Ang Senado ay tagapangalaga ng demokrasya. Kailangang panindigan ito dahil isa ito sa pinakamahalagang responsibilidad ng Senado upang mapanagot ang mga nasa mataas na posisyon,” ani Gatchalian.

Dagdag pa niya, “Ayaw nating mawalan ng kredibilidad o masabihang may isyu sa integridad.”

Samantala, muling binigyang-linaw ni Tolentino ang kanyang posisyon na ang salitang "forthwith" sa konteksto ng impeachment ay isang utos na nakatali sa 19th Congress at hindi isang pangmatagalang utos sa 20th Congress.

Matatandaang dati nang inihayag ni Tolentino sa isang manipesto na posibleng ituring na "basura" ang impeachment laban kay VP Sara kung aabutin ito sa 20th Congress.

Post a Comment

0 Comments