Ayon sa Department of Budget and Management (DBM) nitong Linggo, Mayo 18, kabuuang 16,000 bagong posisyon para sa mga guro ang naaprubahan para sa taong 2025.
Ito ay bahagi ng 20,000 target na teaching positions na planong likhain para sa 2025, ayon sa DBM.
“Ang pag-apruba ng DBM sa 16,000 bagong teaching positions ay alinsunod sa direktiba ng ating Pangulo na paigtingin ang sistema ng edukasyon sa bansa. Suporta rin ito sa mga hakbang ng Department of Education upang palakasin ang hanay ng mga guro mula Kindergarten, Elementarya, Junior High School, Senior High School, at Alternative Learning System,” ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman sa isang pahayag noong Mayo 18.
Sinabi ng DBM na kabilang sa mga bagong posisyon ang 15,343 Teacher I posts na may Salary Grade 11, 157 Special Science Teacher positions na may Salary Grade 13, at 500 Special Education teaching positions na may Salary Grade 14.
Maaaring likhain ang mga teaching positions para sa Senior High School sa antas ng division, kaya maaaring ilipat at italaga ng mga School Division Superintendents ang mga ito kung saan sila higit na kailangan.
May kabuuang P4.194 bilyon ang inilaan para sa paglikha ng mga bagong teaching positions, na nakapaloob sa budget ng Department of Education para sa 2025.
Alinsunod sa election ban, ang paglalabas ng Notices of Organization, Staffing, and Compensation Action ay isasagawa pagkatapos ng panahon ng halalan.
0 Comments