Itinuturing na ng Philippine National Police (PNP) na malapit nang ganap na malutas ang kaso ng pagdukot at pagpatay sa negosyanteng si Anson Que at sa kanyang driver na si Armanie Pabillo. Gayunpaman, nilinaw ng mga awtoridad na hindi pa tuluyang isinara ang kaso, habang patuloy pa rin ang malalimang imbestigasyon sa iba pang posibleng sangkot.
Sa isang press briefing na ginanap nitong Lunes ng hapon sa Camp Crame, inihayag ni PNP Spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo na naaresto na ng mga awtoridad sina Gong Wei Li, na kilala sa alyas na "Kelly", at si Wu Jabing, habang naka-check-in sa isang kilalang resort sa Station 2, Boracay nitong Sabado.
Si Kelly ang itinuturong ransom negotiator sa insidente ng pagdukot at isa rin sa mga pangunahing utak ng krimen. Siya rin umano ang may kontrol sa e-wallet account kung saan ipinadala ang ₱200 milyon ransom money na binayaran ng pamilya Que. Bukod dito, siya rin umano ang nagbantay kina Anson Que at Pabillo habang nasa isang safehouse sa Meycauayan, Bulacan, bago sila brutal na pinaslang at itinapon sa Sitio Udiongan, Barangay Macabud, Rodriguez, Rizal noong Abril 19 ng kasalukuyang taon.
Samantala, si Jabing naman, isang Chinese national na nagtatrabaho bilang hairdresser, ay responsable sa pagbu-book ng mga hotel kung saan pansamantalang nagtago ang grupo. Ayon sa ulat, si Kelly kasama ang kanyang pamilya ay bumiyahe pa sa Boracay sakay ng isang pribadong jet mula Maynila at nanatili roon nang mahigit isang buwan bago nadakip ng pinagsanib na pwersa ng PNP-CIDG, Armed Forces of the Philippines (AFP), at National Security Council (NSC).
Matatandaang una nang naaresto ang tatlo pang suspek sa parehong kaso, kabilang si David Tan Liao, na isa rin sa mga itinuturong mastermind. Sa kanyang extra-judicial confession, idinadawit niya pa si Alvin Que, ang anak ni Anson Que.
Sa kabila ng mga naaresto at mga bagong impormasyon, nananatiling bukas ang kaso habang tinutukoy pa ang lahat ng taong sangkot sa krimen. Nanawagan naman ang PNP sa publiko na makipagtulungan kung may nalalaman silang impormasyon upang tuluyang mabigyang hustisya ang sinapit nina Anson Que at ng kanyang driver.
0 Comments