Matapos ang isang matagal at tensyonadong 10-minutong opening game na puno ng deuce points, agad na na-break ni Marta Kostyuk ang serbisyo ni Alex Eala at tuluy-tuloy na ang kanyang pamamayani. Agad namang kumamada ng 3-0 na abante ang Ukrainian matapos dalawang sunod na break kay Eala.
Hindi tumigil ang dominasyon ni Kostyuk, na muling nag-break upang umakyat sa 5-0, at sinelyuhan ang unang set sa pamamagitan ng malinis na pag-serve, 6-0. Patuloy na hirap si Eala na makahanap ng ritmo habang hinahabol ang mabilis at agresibong forehands ni Kostyuk na madalas nagbabago ng direksyon at kontrolado ang tempo ng laban.
Sa ikalawang set, hindi rin nabago ang daloy ng laro. Walong sunod na game ang napanalunan ni Kostyuk bago pa man nakaiskor si Eala. Umabot sa 3-0 ang kalamangan ng Ukrainian bago pa nakuha ni Eala ang unang puntos sa scoreboard, 1-4, kasabay ng masigabong palakpakan ng mga Pilipinong nanonood sa Rome.
Ngunit huli na ang lahat. Nag-hold ng serve si Kostyuk para umangat sa 5-1 at tinapos ang laban sa pamamagitan ng isa pang break. Panalo si Kostyuk sa iskor na 6-0, 6-1, matapos lamang ang mahigit isang oras ng bakbakan.
Bagama’t tuluyan nang nagpaalam si Alex Eala sa singles draw ng Italian Open, hindi pa natatapos ang kanyang kampanya, lalaban pa siya sa doubles kung saan makakapares niya ang world No. 3 na si Coco Gauff.
0 Comments