Pinapanood ng mga tao habang hinihila palayo ang isang barkong pandigma ng Mexican Navy matapos itong bumangga sa Brooklyn Bridge sa New York noong Sabado, Mayo 17 (Linggo, Mayo 18, oras sa Pilipinas). (Kuha ng larawan: Angela Weiss/AFP)
By Agence France-Presse
Sa isang pahayag nitong Linggo, Mayo 18, kinumpirma ni Alkalde ng New York City Eric Adams na dalawang tao ang nasawi at 19 ang nasugatan matapos bumangga ang isang training ship ng Mexican Navy sa Brooklyn Bridge. Naputol ang tatlong layag ng barko habang ito ay bumangga sa kilalang tulay ng New York City noong Sabado ng gabi, habang nasaksihan ito ng mga tao na noon ay nag-eenjoy sa malamig na gabi ng tagsibol.
“Sa ngayon, sa 277 na nasa loob ng barko, 19 ang nasugatan, dalawa sa kanila ay nasa kritikal na kondisyon, at dalawang iba pa ay pumanaw dahil sa kanilang mga tinamong pinsala,” ani Adams sa isang post sa X (dating Twitter). Makikita sa mga video online ang barko ng Mexican Navy na Cuauhtémoc, na may mga ilaw at nakatiklop ang mga layag, habang sinusubukang dumaan sa ilalim ng tulay. Nabangga ng barko ang tulay, na siyang nagputol ng mga layag at nagpabagsak ng mga ito sa East River.
Daan-daang tagapanood ang nagtipon ilang minuto bago ang insidente upang magpaalam sa barko, na nakadaong sa isang pier sa southern Manhattan mula pa noong Mayo 13. Ayon naman sa Mexican Navy, dalawang crew member ang nasawi sa insidente at 22 pa ang nasugatan, kalahati sa kanila ay nasa kritikal na kondisyon. Sa isang post sa X, sinabi ni Pangulong Claudia Sheinbaum ng Mexico na siya ay “lubos na nalulungkot” sa pagkamatay ng dalawang tripulante.
Ayon kay New York Police Chief of Special Operations Wilson Aramboles, nawalan ng kuryente ang barko bandang 8:20 ng gabi (0020 GMT Linggo) habang ito ay minamaniobra ng kapitan, dahilan upang ito ay dumeretso sa pundasyon ng tulay sa panig ng Brooklyn. Maraming tripulante sa itaas ng barko ang nasugatan sa banggaan, ayon sa opisyal ng NYPD Special Operations. Hindi pa malinaw kung kabilang sa mga ito ang mga nasawi. “Nagkaroon ng matinding takot sa loob ng barko,” ayon kay Nick Corso, 23, isang taga-Brooklyn na nakatayo malapit sa tubig, sa panayam ng AFP.
Ayon sa kanya, handa na siyang kumuha ng larawan ngunit agad niyang binago ito sa video nang mapagtanto niya ang nangyayari. “Maraming sigawan, may mga tripulanteng nakabitin sa layag, halatang may kaguluhan sa barko. Wala akong nakitang nahulog sa tubig pero maraming tao sa itaas. Tumakbo ang mga tao at nagsisigawan!” sabi ni Corso, isang marketing staff ng kumpanyang VeeFriends.
“Ang talagang tumatak sa akin ay ang takot sa barko, at may isang lalaki sa likod na kumakaway para palayuin ang mga tao mula sa walkway na kinaroroonan namin,” dagdag niya.
Bridge reopens
Ayon sa Mexican Navy, wala ni isang nahulog sa tubig at walang inilunsad na rescue operation. Ang barko ay paalis na sana ng New York sa oras ng insidente, at may mga watawat na nakalagay sa mga layag habang iwinawagayway ang isang malaking bandila ng Mexico sa hulihan nito.
“Pagkalipas ng ilang segundo matapos itong umalis sa pantalan, biglang nakita namin ang mga ilaw, kung paano ito bumangga sa tulay, at lahat sila (mga tripulante) ay nagsipagbagsakan,” ayon kay Arturo Acatitla, 37 taong gulang na taga-New York. “Habang patuloy ang inspeksyon, wala namang senyales ng structural damage sa Brooklyn Bridge,” ayon sa Department of Transportation ng New York sa isang post sa X.
Ang tulay na nag-uugnay sa Brooklyn at Manhattan ay pansamantalang isinara sa loob ng halos 40 minuto bago muling binuksan. Dinala ang mga biktima sa ospital, ayon kay Mexican Ambassador Esteban Moctezuma Barragan, at maririnig ang mga serena ng ambulansya malapit sa lugar ng insidente.
Ayon kay Aramboles ng NYPD, ang Cuauhtémoc—isang barkong ginawa noong 1982 na may taas na layag na 48.2 metro (158 talampakan)—ay patungo sana sa Iceland nang mangyari ang insidente. “Sa pamamagitan ng mariachi, folk ballet, at komunidad na puno ng emosyon, ipinagdiwang namin ang pagdating nito sa Pier 17 sa Manhattan,” ayon sa embahada ng Mexico.
Kinumpirma ng Mexican Navy na nasira ang Cuauhtémoc sa nasabing insidente. “Muling pinagtitibay ng Ministry of the Navy ang kanilang pangako sa kaligtasan ng kanilang mga tauhan, transparency sa kanilang operasyon, at kahusayan sa pagsasanay ng mga susunod na opisyal ng Mexican Navy,” ayon sa kanilang pahayag sa X.
Kalaunan ay inilipat ang barko malapit sa Manhattan Bridge, ayon sa ulat ng isang mamamahayag ng AFP. Nag-abiso rin ang New York Police Department sa mga residente sa X na iwasan muna ang lugar dahil sa “matinding trapiko” at “maraming emergency vehicles.” Ang insidente ay pangalawang nakamamatay na banggaan ng barko sa isang tulay sa Estados Unidos sa loob lamang ng mahigit isang taon, matapos ang trahedya sa Baltimore noong Marso 2024, kung saan bumangga ang isang barko sa tulay at ikinasawi ng anim na manggagawa sa kalsada.
0 Comments