Hiniling ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Huwebes ang courtesy resignation ng humigit-kumulang 30 miyembro ng kanyang Gabinete bilang bahagi ng isang “malawak at matapang na pagbabago” matapos ang hindi ganap na tagumpay ng kanyang mga kandidato sa nakaraang midterm elections.
“Panahon na upang iayon muli ang pamahalaan sa mga inaasahan ng taumbayan. Hindi na ito ang dating nakasanayan,” pahayag ng Pangulo.
“Nagpahayag na ang taumbayan, at inaasahan nila ang konkretong resulta—hindi pulitika, hindi paliwanag. Narinig namin sila, at kikilos kami.”
Ang katatapos lamang na midterm elections ay itinuring bilang isang pagsubok sa pamahalaan, kung saan anim lamang sa labing-isang sinusuportahang kandidato ng Pangulo ang nanalo sa Senado.
Ayon kay Marcos, malinaw sa resulta ng halalan na sawa na ang publiko sa pamumulitika at nadismaya sa mabagal na serbisyo ng gobyerno.
“Ang mensahe sa aming lahat ay malinaw: ‘Tama na ang pamumulitika. Kami naman ang unahin ninyong pagsilbihan,’” aniya.
“Bukod dito, ramdam din ang pagkadismaya ng mamamayan sa kabagalan ng mga proyekto ng pamahalaan na hanggang ngayon ay hindi pa nila nararanasan,” dagdag niya.
Ilan sa mga opisyal na naghain na ng kanilang courtesy resignation ay sina Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., Finance Secretary Ralph Recto, Transportation Secretary Vince Dizon, Social Welfare Secretary Rex Gatchalian, Education Secretary Sonny Angara, at Energy Secretary Raphael Lotilla.
Sumunod rin sa panawagan ng Pangulo sina Budget Secretary Amenah Pangandaman, Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, Solicitor General Menardo Guevarra, DICT Secretary Henry Aguda, at MMDA Chairman Romando Artes.
Ayon sa Presidential Communications Office, layunin ng malawakang pagbabago na bigyan ng pagkakataon si Pangulong Marcos na muling tasahin ang performance ng bawat ahensya at tukuyin kung sino ang karapat-dapat manatili upang maisakatuparan ang binagong mga prayoridad ng administrasyon.
“Hindi ito usapin ng personalidad kundi ng performance, pagkakahanay ng layunin, at kahandaan sa agarang aksyon,” giit ng Pangulo.
“Kikilalanin ang mga patuloy na naglilingkod nang mahusay, ngunit hindi na panahon para sa pagiging kampante. Tapos na ang pagiging komportable.”
Binigyang-diin ng Pangulo na bagama’t maraming opisyal ang nagsilbi nang tapat at propesyonal, kailangang sumabay ang gobyerno sa mabilis na pagbabago ng pangangailangan ng bansa—mas mabilis na kilos at resulta ang kinakailangan ngayon.
Tiniyak din ng Malacañang na hindi maaantala ang serbisyo ng pamahalaan habang isinasagawa ang transisyon, at ang pagpili ng bagong mga opisyal ay ibabatay sa katatagan at merito.
0 Comments