Suportado ngayon ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang naging pahayag ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. na bukas siya sa pakikipag-ayos sa pamilya Duterte.
Ito ay sa kabila ng hayagang hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng dalawang mataas na lider ng bansa, kung saan tila napabayaan na raw nila ang kanilang mahahalagang tungkulin na dapat sana’y inuuna.
Ayon kay Fr. Jerome Secillano, Executive Director ng CBCP-Episcopal Commission on Public Affairs, mas mainam umano kung may pagkakaisa at pagkakaunawaan ang mga lider ng bansa, at dapat unahin ang kapakanan ng nakararami.
Dagdag pa ni Fr. Secillano, kung bukas si Pangulong Marcos Jr. sa pakikipag-ayos, dapat din itong pagtuunan ng pansin ng kampo ni Duterte alang-alang sa kapakanan ng buong bansa at ng sambayanang Pilipino.
Matatandaang nagsimula ang sigalot sa pagitan ng dalawang lider noong nakaraang taon at nagpapatuloy pa rin ito hanggang ngayon, lalo na sa gitna ng kinakaharap na impeachment trial ni VP Sara.
Nabatid na ilang ulit na ring inamin ng pangulo na hindi siya sang-ayon sa nasabing hakbang laban sa dati niyang kaalyado sa politika.
0 Comments