Ayon sa National Food Authority (NFA), sapat ang supply ng P20 kada kilo na bigas sa mga Kadiwa store hanggang sa katapusan ng taon.
Sinabi ni NFA Administrator Larry Lacson na tatagal ang suplay ng murang bigas sa mga Kadiwa store hanggang Disyembre 2025 para sa mga kabilang sa vulnerable sectors gaya ng mga mahihirap, senior citizens, solo parents, at mga persons with disabilities (PWDs).
Bawat pamilya ay maaaring makabili ng hanggang 30 kilo ng bigas kada buwan, ayon kay Lacson.
Dagdag pa niya, ang murang bigas ay dumadaan muna sa inspeksyon at quality control bago ipamahagi sa publiko.
Pinaalalahanan din niya na ang kalidad ng bigas ay may "likas na tendensiya" na bumaba habang tumatagal, kaya’t dapat itong agad na kainin matapos mabili.
Samantala, sinabi ni Department of Agriculture Assistant Secretary Genevieve Velicaria-Guevarra noong nakaraang linggo na ang P20 kada kilong bigas ay ibinebenta na sa 32 Kadiwa stores sa Metro Manila at sa ilang lugar tulad ng Rizal at Cebu.
Aniya, malapit na rin itong maging available sa iba pang lugar tulad ng Bohol, Southern Leyte, at Siquijor.
Bawat Kadiwa center ay binibigyan ng 50 sako ng bigas na kadalasang nauubos sa loob lamang ng dalawa hanggang tatlong oras ng operasyon ng tindahan.
Plano ng departamento na magtayo ng hub upang mas mapadali ang distribusyon ng suplay sa bawat lugar.
Tiniyak ni Velicaria-Guevarra na may sapat na suplay ang Department of Agriculture para sa P20 Rice Program sa pamamagitan ng buffer stock ng NFA.
0 Comments