3 Patay Matapos Masunog Ang Kanilang Tirahan Sa Cagayan De Oro
Patay ang isang magpamilya matapos silang ma-trap sa nasunog nilang bahay sa Mega Heights Subdivision, Barangay Gusa, Cagayan de Oro City.
Kinilala ng Bureau of Fire Protection (BFP) Lapasan ang mga biktima bilang sina Arsenio Talara, 66-anyos; Annie Rose Talara, 36-anyos; at ang kanilang anak na si Mary Rose Talara, 13-anyos.
Ayon sa ulat, bigla na lamang umanong sumiklab ang apoy sa kanilang bahay dahilan upang hindi na makalabas ang mga biktima.
Ibinahagi ng mga kapitbahay na narinig pa nila ang sigaw ng ama na humihingi ng tulong, ngunit nabigo silang mailigtas ang pamilya dahil sa bilis ng pagkalat ng apoy.
Natagpuan na lamang ang mga sunog na bangkay ng tatlo sa sala ng kanilang tahanan, magkakayakap.
Tinatayang ₱960,000 ang halaga ng pinsalang dulot ng sunog.
Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng BFP upang malaman ang sanhi ng insidente.

Comments
Post a Comment