Ticker

6/recent/ticker-posts

Matanda na, dapat sa bahay na lang bantayan—Senators to ICC on Duterte



Inaprubahan ng Senado ang Senate Resolution 144 na nananawagan sa International Criminal Court (ICC) na payagan si dating Pangulong Rodrigo Duterte na mailagay sa house arrest sa The Hague, Netherlands, sa halip na manatili sa kulungan.

Sa naturang resolusyon na pinagtibay noong Miyerkules (Oktubre 1), binigyang-diin ang katandaan at lumalalang kalusugan ni Duterte bilang pangunahing batayan ng panukala. Nasa ICC Detention Center ang dating presidente mula pa nitong Marso habang hinihintay ang paglilitis kaugnay ng kasong crimes against humanity dahil sa madugong kampanya kontra droga.

Ayon sa resolusyon, kung mapatunayan ng mga medikal na pagsusuri na mas lalala ang kalagayan ni Duterte sa patuloy na pagkakakulong, dapat payagan ng ICC ang house arrest—ngunit mananatili ito sa ilalim ng mahigpit na kondisyon upang hindi maapektuhan ang integridad ng paglilitis.

Hati ang boto ng Senado

Labinlima (15) ang bumoto pabor, kabilang sina Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson, Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano, at mga senador na sina Rodante Marcoleta, Imee Marcos, Robin Padilla, Ronald Dela Rosa, Joel Villanueva, Jinggoy Estrada, Bong Go, Sherwin Gatchalian, JV Ejercito, Loren Legarda, Erwin Tulfo, at Mark Villar.

Nag-abstain sina Senate President Vicente Sotto III at Sen. Raffy Tulfo, habang tutol naman sina Sens. Risa Hontiveros, Bam Aquino, at Kiko Pangilinan. Hindi nakadalo sina Sens. Francis Escudero, Camille Villar, Pia Cayetano, at Lito Lapid.

Tinutulan ng mga pamilya ng drug war victims

Samantala, iginiit ng kampo ni Duterte ang kanyang pansamantalang paglaya, bagay na mariing kinokontra ng mga pamilya ng mga biktima ng war on drugs.

Lalo pang tumindi ang usapin matapos ibunyag ni Vice President Sara Duterte na nawalan ng malay ang kanyang ama sa loob ng selda at sumailalim sa mga pagsusuring medikal nang hindi nalalaman ng pamilya.

Post a Comment

0 Comments