Gatchalian Nanawagan na Bawasan ang Taon sa Kolehiyo, Hindi Alisin ang SHS



Tumugon si Senador Win Gatchalian sa umuugong na balitang isinusulong umano ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ang pag-alis ng Senior High School sa K-12 program.

Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, iginiit ni Gatchalian na panahon na upang paikliin ang taon ng pag-aaral sa kolehiyo upang mas mabilis na makapagtapos ang mga estudyante.

“Ang mga panukalang bawasan ang General Education subjects sa kolehiyo ay dapat matupad ang ipinangako ng K-12 program — na ang dagdag na taon sa high school ay magpapapaikli sa kolehiyo. Panahon na para tuparin ang pangakong ito,” ani Gatchalian.

Dagdag pa niya, “Bagamat ang mga polisiya ay nasa kamay ng DepEd at CHED, mahalagang maiwasan ang pag-uulit ng mga asignatura sa kolehiyo upang makatuon ang mga estudyante sa kanilang espesyalisasyon at makapagtapos sa loob ng mas maikling panahon. Hindi dapat sila ang nagpapasan ng dagdag na semestre dahil hindi pa rin natutupad ang orihinal na layunin ng repormang K-12 na sinimulan 12 taon na ang nakalilipas.”

Matatandaang noong Mayo 28, sa isang pagdinig ng House Committee on Basic Education and Culture ukol sa pagbabagong isinusulong sa senior high school (SHS) curriculum, inihayag ni DepEd Assistant Secretary Janir Datukan na may plano nang tanggalin ang tatlong general education subjects sa kolehiyo.

Kabilang sa mga asignaturang ito ang Art Appreciation, Contemporary World, at Ethics.

Comments