Naglabas ng show cause order ang Commission on Elections (COMELEC) laban kay Senador Francis “Chiz” Escudero upang ipaliwanag umano ang pagtanggap niya ng P30 milyon na campaign donation mula sa isang kontraktor noong panahon ng kanyang kandidatura noong 2022.
Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, ang naturang show cause order ay naipadala na kay Senador Escudero noong Biyernes, at nakatakda ang pagdinig sa Oktubre 13, 2025.
Matatandaang una nang ibinunyag ni Garcia na maglalabas sila ng show cause order matapos makipagpulong ang Centerways Construction and Development Inc. sa COMELEC noong nakaraang linggo, sa pamamagitan ng legal counsel ng presidente ng kompanya na si Lawrence Lubiano, na nagpaliwanag kung bakit hindi siya dapat sampahan ng kaso o paglabag sa Section 95 ng Omnibus Election Code (OEC).
Inatasan din umano si Escudero na humarap sa Political Finance and Affairs Department (PFAD) para sa karagdagang paglilinaw.
0 Comments