Hindi natin masasabing nanalo sina Kiko at Bam dahil sa Gen Z — WR Numero



Naglabas ng pahayag ang WR Numero Research na hindi umano masasabi na ang Generation Z o Gen Z ang naging dahilan ng pagkapanalo nina Sen. Francis “Kiko” Pangilinan at Sen. Bam Aquino sa nakaraang halalan.

Ito ay ayon sa panayam kay Dr. Robin Michael Garcia, isang political scientist, propesor, at Chairman ng WR Numero Research, nitong Miyerkules, October 22, sa programang Long Conversation ng One News.

“Hindi natin masasabing nanalo sina Bam at Kiko dahil sa Gen Z o sa youth vote,” panimula ni Garcia.

Dagdag pa niya, hindi pa matitiyak ang ganitong pananaw dahil batay sa kanilang datos, tinatayang hanggang 40% lamang ng mga tagasuporta ay mula sa hanay ng Gen Z.

“Isa pa rin itong hypothetical o hindi pa napapatunayang palaisipan. Sa katunayan, iba ang ipinapakita ng datos — na 31% hanggang 36%, halos 40% ng mga Gen Z o kabataan ay pro-Duterte kung sakaling gaganapin ang halalan ngayon,” paliwanag pa ni Garcia.

Ipinunto rin niya na malaking bahagi ng kabataang botante sa kabuuan ay nananatiling sumusuporta sa mga Duterte.

“Kaya masasabi natin na sa kasalukuyan, malaking bahagi ng partidong sumusuporta ay nasa hanay pa rin ng Duterte coalition,” aniya.

Tinapos ni Garcia ang panayam sa pagsasabing, “Ang aral dito ay hindi iisa o magkakapareho ang boto ng Gen Z.”

Comments