Wala pang natatagpuang katawan sa pagguho ng lupa sa Bukidnon



Wala pang natatagpuang katawan ng tao o motorista na posibleng natabunan ng lupa sa nangyaring pagguho sa Purok 6, Palacapao Zigzag, Quezon, Bukidnon noong Oktubre 18, 2025.

Ayon kay Chief Tanod Toto Nietes ng nasabing barangay, nakita lamang ang isang Bao-Bao (mini-vehicle) na may kulay dilaw-berde at plakang 893KRZ na nadamay sa pagdahilig ng lupa.

Kinumpirma naman ni Barangay Captain Eric Macaraya ng Rawari Kahusayan, Kitaotao, Bukidnon na ang nasabing sasakyan ay pag-aari ng isang residente ng Minalong.

Inaasahang sisigla ang retrieval operations ng mga rescue at response teams sa sandaling luminaw ang panahon, upang masimulan ang paghahanap sa iba pang mga posibleng natabunang sasakyan at pasahero.

Sa ngayon, hirap pa ring pasukin ang lugar dahil madilim at patuloy pang gumagalaw ang lupa, dahilan upang maantala ang operasyon.

Samantala, lahat ng mga sasakyan ay pansamantalang hindi pinapadaan sa lugar matapos mabura ang halos buong bahagi ng kalsada.

Pinapayuhan ang mga motorista na dumaan muna sa mga alternatibong ruta kung magbibiyahe mula Region X patungong Region XI o pabalik.

Comments