Handang-handa na ang Senado para simulan ang impeachment trial ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte sa ilalim ng bagong Kongreso at bagong mga miyembro ng House prosecution panel.
Ayon sa constitutionalist na si Rene Sarmiento, hindi na kailangang magsampa muli ng bagong reklamong impeachment laban kay Duterte. Ipinaliwanag niyang batay sa desisyon ng Korte Suprema sa kasong Pimentel Jr. vs. Joint Committee of Congress noong 2004, malinaw ang pagkakaiba ng tungkulin ng Kongreso bilang isang lehislatibong katawan at bilang isang impeachment court.
Ibig sabihin nito, nananatiling gumagana ang Senado bilang institusyon kahit may halalan, at hindi naaapektuhan ang kapangyarihan nito bilang impeachment court.
“Sa pananaw ko, walang legal na hadlang. Habang nagpapatuloy ang pag-aaral ng kaso, posibleng umusad ito kahit pa may mga bagong senador na uupo bilang miyembro ng impeachment court. Patuloy ang Senado bilang isang institusyon — ang nahinto lang ay ang kapangyarihang magpanukala ng batas. Ngunit bilang impeachment court, ayon sa mga desisyong binanggit ko, hindi napuputol ang proseso at hindi na kailangang magsimula ng panibagong complaint,” ani Sarmiento sa panayam ng TeleRadyo Serbisyo.
Bagamat may posibilidad na dalhin ng kampo ni Duterte ang usapin sa Korte Suprema, sinabi ni Sarmiento na malinaw sa Saligang Batas na Senado lang ang may tanging kapangyarihan pagdating sa impeachment.
“Sa palagay ko, kahit iakyat ito ng ating Pangalawang Pangulo, sasabihin ng Korte Suprema: ‘Iyan ay isang political question.’ Maliwanag sa ating Saligang Batas na ang tanging may kapangyarihan sa usaping ito ay ang Senado, hindi ang Korte Suprema,” dagdag niya.
“Hindi maaaring pigilan ang impeachment trial maliban na lang kung maglabas ng temporary restraining order ang Korte Suprema. Pero sa maraming pagkakataon, nirerespeto ng Korte Suprema ang kapangyarihan ng Senado bilang ang tanging may awtoridad sa mga impeachment proceedings at impeachment-related questions,” sabi pa ni Sarmiento.
Nakatakdang tanggapin ng Senado ang Prosecution Panel mula sa Kamara sa Hunyo 2 para sa opisyal na pagbasa ng pitong sakdal sa ilalim ng Articles of Impeachment sa plenaryo.
Sa kanyang liham kay House Speaker Martin Romualdez, sinabi ni Senate President Francis Escudero na alinsunod sa Rule 1 ng Rules of Procedure on Impeachment Trials, handa ang Senado na tanggapin ang mga taga-usig mula sa Kamara sa ganap na alas-4 ng hapon ng Hunyo 2, 2025.
Pagkatapos nito, pormal nang bubuuin ang impeachment court sa Senado sa ganap na alas-9 ng umaga ng Hunyo 3, 2025, para sa paglalabas ng summons at iba pang mga kautusang kaugnay ng paglilitis.
0 Comments