Nanawagan ang National Food Authority (NFA) sa mga rice trader at mamimili ng palay na maging makatarungan sa pagbili mula sa mga lokal na magsasaka. Hinimok ng ahensya ang mga negosyante na huwag baratin o bilhin sa sobrang babang halaga ang palay na pinaghirapan ng mga magsasaka, lalo na sa panahon ng anihan.
Ayon sa NFA, nararapat lamang na suklian nang tama at patas ang pawis at hirap ng mga magsasaka upang matiyak na hindi sila malulugi at magpapatuloy pa ring maging masigla ang lokal na produksyon ng bigas.
Dagdag pa ng ahensya, ang makatarungang presyo ng palay ay hindi lamang makatutulong sa kabuhayan ng mga magsasaka, kundi sa seguridad ng pagkain sa buong bansa. Panawagan din nila sa publiko at sa mga lokal na pamahalaan ang pagtutulungan upang protektahan ang kapakanan ng sektor ng agrikultura.
0 Comments