Bago pa man maipagpatuloy ni Senador Ronald "Bato" dela Rosa ang kanyang privilege speech, agad siyang pinigilan ni Senate Minority Leader Koko Pimentel. Sa kanyang interjection, iginiit ni Pimentel na batay sa kanilang napagkasunduang proseso sa isinagawang caucus o pagpupulong ng mga senador isang araw bago ang sesyon, dapat munang manumpa ang mga mambabatas bilang opisyal na senator-judges bago lumahok sa mga talakayan kaugnay ng nakatakdang impeachment trial.
Ayon kay Pimentel, ang panunumpa ay isang mahalagang hakbang upang pormal na mailagay ang mga senador sa posisyong nararapat nilang gampanan bilang mga tagapaghusga sa impeachment court. Ngunit hindi ito sinang-ayunan ni Senador dela Rosa. Tinutulan niya ang mungkahi ni Pimentel at ipinagpatuloy ang kanyang privilege speech sa kabila ng paalala.
Nag-ugat ang tensyon sa isyu ng tamang proseso sa pag-convene ng Senado bilang impeachment court na may kinalaman sa nakabinbing paglilitis kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte. Ipinapakita ng insidenteng ito ang patuloy na paglalim ng mga diskusyon sa Senado kaugnay ng mga teknikalidad ng impeachment proceedings at ang papel ng bawat senador sa proseso.
0 Comments