6 senador, nadawit sa donasyon ng mga kontraktor; escudero pinasusumite ng paliwanag sa ₱30m isyu
Inihayag ng Commission on Elections (Comelec) na anim pang mga senador ang nakatanggap umano ng campaign donations mula sa mga kontraktor noong halalan 2022.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, kabilang sa mga nag-donate sa mga naturang senador ang ilan sa 55 kontraktor na nakasaad sa Statements of Contributions and Expenditures (SOCE) ng Comelec.
“Mga anim, kung hindi ako nagkakamali,” ani Garcia sa isang panayam, nang tanungin kung may iba pang senador bukod kay Sen. Francis Escudero ang nakatanggap ng donasyon mula sa mga kontraktor.
Kamakailan, naglabas ang Comelec ng show-cause order laban kay Sen. Francis Escudero upang ipaliwanag ang umano’y pagtanggap niya ng ₱30 milyon na donasyon mula sa isang kontraktor—isang posibleng paglabag sa election code.
Kumpirmado ni Garcia na natanggap na ni Escudero ang nasabing order at inaasahang haharap ito, o ang kanyang abogado, sa Political Finance and Affairs Department ng Comelec upang magsumite ng paliwanag.
Tumanggi si Garcia na ibunyag muna ang mga pangalan ng iba pang senador habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon.
Samantala, nanawagan ang isang poll watchdog sa Comelec na ilantad sa publiko ang mga pangalan ng mga senador, dahil pampublikong dokumento umano ang mga SOCE.

Comments
Post a Comment