Ipina-cite in contempt ng Senate Committee on Agriculture ang dalawang broker na pinaghihinalaang sangkot sa smuggling sa loob ng Bureau of Customs (BOC).
Sa isinagawang pagdinig ng komite, ipina-contempt sina Lujin Arm Tenero ng 1024 Consumer Goods Trading at Brenda de Sagun ng Berches Consumer Goods Trading dahil umano sa pagsisinungaling sa kanilang mga pahayag.
Sa pagtatanong nina Sen. Kiko Pangilinan at Sen. JV Ejercito, nabigong tukuyin ng dalawang broker kung sino ang mga kliyenteng nagpasok ng mga smuggled goods sa bansa.
Ayon kay Tenero, isang “Mr. Carlos” lamang umano ang nakausap niyang importer, ngunit hindi niya alam ang buong pangalan nito. Ang nasabing importer ang nagpasok ng smuggled frozen mackerel at round scads na idineklara sa Customs bilang chicken poppers at chicken lollipops.
Samantala, tinukoy ni De Sagun ang isang “Mr. Vicente” na umano’y nanghiram ng kanilang lisensya at nagpasok ng imported carrots at white onions na idineklara rin bilang chicken poppers at chicken lollipops.
Hinimok ng mga senador ang dalawang broker na magsabi ng totoo, kasabay ng pag-aalok ng proteksyon mula sa Senado at posibilidad na maging state witness. Gayunman, binalaan din sila na maaari silang makulong habang-buhay kung mapatunayang sangkot sa smuggling operations.
0 Comments