Kinumpirma ni Albay Governor Noel Rosal na umamin at humingi ng tawad si DPWH Bicol Director Virgilio Eduarte matapos nitong aminin na “insertion” ang ₱4-bilyong pondo para sa kontrobersyal na Ridge Road Project sa Bacacay, Albay.
Sa isang conference meeting sa Albay Capitol, inilahad ni Eduarte na ang nasabing multi-lane highway na may solar streetlights at helipad ay hindi kasama sa orihinal na plano ng imprastraktura, ngunit lumitaw sa General Appropriations Act (GAA) at napondohan mula 2017 hanggang 2023.
Ang proyekto ay isinagawa ng Sunwest Construction and Development Corporation, katuwang ang Earthline Construction at Microprime Builders.
Ayon kay Albay 1st District Rep. Krisel Lagman, nilabag ng proyekto ang normal na proseso dahil hindi ito dumaan sa Regional Development Council (RDC) para sa review at endorsement, at naipasok umano sa national budget nang walang sapat na transparency at accountability.
Itinuturo naman ng mga residente ang naturang proyekto bilang sanhi ng pagbaha sa mga lugar sa ibaba ng bundok, lalo na tuwing tag-ulan at bagyo.
Nangako ang DPWH Bicol na magpapadala sila ng dredging at heavy equipment sa mga apektadong barangay, kabilang ang Barangay Cagbulacao, upang mabawasan ang epekto ng pagbaha.
0 Comments