Sandatahang Lakas ng Pilipinas, tinanggihan ang panawagan na patalsikin si Marcos
Agence France-Presse
Sinabi ng hepe ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas nitong Biyernes na kanyang tinanggihan ang mga panawagan na pabagsakin si Pangulong Ferdinand Marcos, sa gitna ng mga kilos-protesta sa Maynila noong nakaraang buwan laban sa umano’y katiwalian ng pamahalaan.
Ayon kay Heneral Romeo Brawner, ilang retiradong opisyal ng militar ang lumapit sa kanya at maging sa ilang nakababatang opisyal, ngunit tinanggihan nila ang panukala.
Nag-ugat ito habang naghahanda ang Maynila para sa malawakang protesta noong Setyembre 21 laban sa korapsyon, na pinasabog ng isyu ng pekeng flood-control projects na umano’y kumita ng bilyon-bilyong piso mula sa kaban ng bayan.
“Noong nakaraang protesta, may mga plakard at talumpati na nananawagan na ang Armed Forces of the Philippines ang manguna. May ilan na nagsabi na baka dapat bawiin na namin ang suporta sa presidente,” ayon kay Brawner sa isang forum.
“May ilang ulit na nanawagan na makialam kami, at sa katunayan, may ilang recruitment na nangyari, nakakalungkot na ilan sa kanila ay mga retiradong opisyal,” dagdag pa niya.
Ayon kay Brawner, ang mga nagbabalak ay nagtangkang kausapin ang mga batang opisyal, mga kumander, at maging siya mismo, upang hikayatin silang makialam.
Aniya, iminungkahi umano ng mga ito ang isang “coup d’etat, military junta, para i-reset ang buong lipunang Pilipino, o kaya’y bawiin ang suporta sa pangulo — iba’t ibang anyo ng military intervention.”
Isiniwalat din ni Brawner na siya at ang kanyang “battle staff” ay nakipagpulong sa isang grupo ng mga retiradong opisyal ng militar na pinamumunuan ni dating heneral Romeo Poquiz, isang matinding kritiko ni Marcos. Inilabas umano ng grupo ang kanilang mga hinaing, na pangunahing nakatuon sa umano’y korapsyon sa kasalukuyang administrasyon.
Dagdag pa ni Brawner, may ilan sa mga nagtutulak ng interbensyon militar na nagsabing “may ibang mas karapat-dapat maging pangulo,” ngunit hindi tinukoy kung sino.
Nilinaw ng heneral na ipinaabot niya sa grupo ni Poquiz na nananatiling “solid” ang institusyon ng militar sa pagtatanggol ng Konstitusyon.
“Malinaw sa amin ang aming mandato,” aniya.
Dagdag pa ni Brawner, ipinaalam din niya kay Marcos ang tungkol sa mga plano at recruitment na naganap.
Matatandaang noong 1986, binawi ng militar ang suporta kay dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., ama ng kasalukuyang pangulo, matapos ang dalawang dekada sa kapangyarihan. Naging daan ito sa mapayapang “People Power Revolution” na nagpatalsik sa pamilyang Marcos tungo sa pagkatapon sa Estados Unidos.
Gayunman, nagbukas din ito ng serye ng madugong tangkang kudeta laban sa administrasyon ni Corazon Aquino, karibal at kahalili ni Marcos Sr., mula 1986 hanggang 1991. — Agence France-Presse

Comments
Post a Comment